Sinimulan na ang rehabilitasyon ng Lamsan-Simuay Road sa Barangay Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, ayon sa Department of Public Works and Highways o DPWH Region XII.

Layunin ng proyekto na matugunan ang matagal nang problema sa malubak at maputik na bahagi ng kalsada, na nagiging hamon sa mga motorista lalo na kapag umuulan.

Saklaw ng proyekto ang rehabilitation at reconstruction ng dalawang magkadugtong na bahagi ng kalsada, kabilang ang two-lane section na may habang 396 metro at four-lane section na may habang 233 metro.

Sinabi ng DPWH na naisakatuparan ang proyekto sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Maguindanao del Norte.

Inaasahan ng ahensya na magiging mas ligtas, mas mabilis at mas maginhawa ang pagbiyahe sa naturang ruta, na nagsisilbing koneksyon ng ilang lugar sa Region XII at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Samantala, sinabi ng DPWH Region XII na bahagi ang proyekto ng patuloy nitong pagpapatupad ng mga strategic road infrastructure project sa mga pangunahing lansangan, alinsunod sa direktiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Layunin din ng mga naturang proyekto na mapalakas ang konektibidad, mapabilis ang biyahe at masuportahan ang lokal na pag-unlad ng ekonomiya sa mga rehiyon.