Umabot na sa apat ang bilang ng mga nasawi habang 22 katao naman ang nasugatan sa pamamaril na naganap sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City kahapon June, 22.

Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, dalawang menor de edad na estudyante ang nasakote at itinuturing na mga pangunahing suspek sa insidente.

Ayon sa ulat, mahigit 40 basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen. Nasamsam din ang isang 9mm Glock pistol at isang .38 caliber revolver na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril at nakarehistro umano sa mga kamag-anak ng mga suspek.

Bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani, nananatiling suspendido ang klase sa San Jose National High School, San Jose Central School, at Manlurip Elementary School.

Nagkaloob na rin ng agarang tulong medikal at psychosocial intervention ang Department of Education sa mga estudyante, guro, at iba pang naapektuhan ng insidente.

Samantala, agad na nagtungo si Tacloban City Vice Mayor Raymund Romualdez sa San Jose National High School upang alamin ang sitwasyon at tukuyin ang mga agarang pangangailangan ng mga biktima at kanilang mga pamilya. Binisita rin nito ang Tacloban City Hospital kung saan ginagamot ang ilan sa mga nasugatan upang personal na kumustahin ang kanilang kalagayan.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang tulong at suporta sa mga apektadong pamilya.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng Tacloban City Police Office sa insidente. Kasabay nito, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon habang patuloy ang pagkalap ng ebidensya at paglilinaw sa mga pangyayari.

Muli ring nabigyang-pansin ng insidente ang usapin ng seguridad sa loob ng mga paaralan at ang panawagang higpitan pa ang mga hakbang laban sa pagpasok ng armas sa mga institusyong pang-edukasyon.