Nanawagan si Senator Robin Padilla ng mas mahigpit na batas para sa paggamit ng social media ng mga kabataan, kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City ngayong Martes Agosto 18.

Sa kanyang Facebook Live, sinabi ni Padilla na hindi pa siya makapagbibigay ng pinal na komento sa insidente dahil hindi pa malinaw ang buong pangyayari at patuloy pa ang imbestigasyon.

Ayon sa senador, kailangang pagtuunan ng pansin ang epekto ng social media sa mga kabataan, lalo na kung nagagamit ito bilang plataporma upang maimpluwensiyahan silang gumawa ng mararahas na gawain.

Iginiit ni Padilla na ang kanyang panawagan ay hindi pangungutya sa kabataan, kundi isang “panggising” upang mas mapagtuunan ng pansin ang mga panganib na maaaring idulot ng social media.

Nanawagan din siya sa publiko na huwag gawing puro politika o batikusan ang insidente, kundi suportahan ang pagsusulong ng mga batas na may kaugnayan sa proteksyon ng mga kabataan at paggamit nila ng social media.