Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P40.1 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo matapos salakayin ang isang barko sa bayan ng Basay, Negros Oriental noong Sabado, Mayo 16, 2026.

Ayon sa ulat, aabot sa 700 master cases ng mga sigarilyong pinaniniwalaang ipinuslit ang nakumpiska sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, at lokal na kapulisan.

Sampung (10) indibidwal ang kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad at patuloy na iniimbestigahan kaugnay ng naturang operasyon.

Patuloy namang pinaiigting ng mga awtoridad ang kampanya kontra smuggling upang mapigilan ang pagpasok ng mga kontrabando at mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na operasyon.