Mariing kinondena ng Tacloban City Police Office (TCPO) ang naganap na pamamaril ngayong umaga sa San Jose National High School na ikinasugat ng ilang mga estudyante.
Ayon sa TCPO, agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya matapos matanggap ang ulat upang i-secure ang lugar, tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang personnel ng paaralan, at simulan ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Agad ding binigyan ng paunang tulong ang mga sugatang biktima na dinala sa mga kalapit na pagamutan para sa kinakailangang medikal na atensyon.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari, mga sangkot na indibidwal, at ang motibo sa likod ng insidente. Nagsasagawa rin ng kaukulang operasyon ang pulisya upang matiyak na mapapanagot ang mga responsable sa ilalim ng batas.
Nanawagan ang TCPO sa publiko na manatiling kalmado at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot o makaapekto sa imbestigasyon. Hinihikayat din ang sinumang may mahalagang impormasyon na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
Tiniyak ng TCPO ang kanilang pakikiisa sa mga biktima, pamilya, at buong komunidad ng San Jose National High School, habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.

















