Arestado ang Top 10 Most Wanted Person sa lungsod ng General Santos matapos isilbi ang warrant of arrest laban dito dakong alas-4 ng hapon, kahapon, Agosto 21, 2026, sa Gensanville Phase 1, Barangay Bula.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Kuya AP,” 25-anyos at residente ng nasabing lugar.

Isinagawa ang operasyon ng mga pulis mula sa Police Station 6 ng General Santos City Police Office, kasama ang mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group–Mindanao Field Unit at Gensan Maritime Police Station.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon kay PRO 12 Regional Director PBGen. Alan B. Manibog, patunay ang bawat pagkakaaresto na patuloy na hinahabol ng pulisya ang mga taong may kinakaharap na kaso at mananagot ang mga lumalabag sa batas.