Binigyang-diin ni Former Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, convenor ng 1Sambayanan, na may matibay na legal at makasaysayang batayan ang pag-angkin ng Pilipinas sa mga bahagi ng West Philippine Sea sa isinagawang konsultasyon hinggil sa West Philippine Sea (WPS) at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa Cotabato City kahapon, June 16.
Dinaluhan ang konsultasyon ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, akademya, civil society organizations, at security sector upang palalimin ang kamalayan at pag-unawa ng publiko sa mga usaping may kaugnayan sa soberanya at sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea.
Kumatawan naman sa 6th Infantry Division at Joint Task Force Central (6ID/JTFC) si Colonel Rey C. Rico, Assistant Chief of Staff for Civil-Military Operations (G7), na nagpahayag ng suporta ng kanilang hanay sa mga inisyatibong nagtataguyod ng wastong kaalaman, makabuluhang talakayan, at pagsunod sa internasyonal na batas sa pagresolba ng mga sigalot sa karagatan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Carpio na ang maritime claims ng Pilipinas ay nakabatay sa mga makasaysayang dokumento at internasyonal na batas, kabilang ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng UNCLOS. Aniya, mahalagang patuloy na igiit ng bansa ang mga karapatan nito sa pamamagitan ng legal at diplomatikong paraan.
Hinimok din ng dating mahistrado ang mga bansang may magkakasalungat na pag-aangkin sa West Philippine Sea na pairalin ang mapayapang resolusyon ng mga alitan alinsunod sa internasyonal na batas.
Sa kabuuan, binigyang-diin sa konsultasyon ang kahalagahan ng mapayapang pagresolba sa maritime disputes at ang sama-samang pagsusulong ng soberanya at mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

















