Labindalawang matataas na uri ng baril ang isinuko sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Abril 6, 2026, bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na armas at pagpapatatag ng kapayapaan sa rehiyon.

Ayon kay Brigadier General Omar V. Orozco, Commander ng 1st Mechanized Brigade, malinaw na ipinapakita ng hakbang na ito ang pagtutok ng pamahalaan sa seguridad at kaayusan ng komunidad.

Dumalo rin sa turnover ceremony si Datu Paglas Mayor Ibrahim P. Paglas IV, kasama ang mga barangay chairperson ng bayan at mga kinatawan ng Philippine National Police sa pangunguna ni Police Captain Lucky Seigfred R. Sibayan, Chief of Police ng Datu Paglas.

Sa isinagawang turnover, isinuko ang siyam na M1 Garand rifle, isang M14 rifle, isang M1 Carbine rifle, at isang M2 Carbine rifle. Agad naman itong dinala sa Headquarters ng 2nd Mechanized Battalion sa Brgy. Tual, President Quirino, Sultan Kudarat para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Bahagi ang aksyon na ito ng Whole-of-Nation Approach ng pambansang pamahalaan, na naglalayong wakasan ang paglaganap ng ilegal na armas at palakasin ang kapayapaan sa mga komunidad.

Tiniyak ng 6th Infantry Division na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sektor ng lipunan upang mahikayat ang mas marami pang indibidwal na kusang-loob na magsuko ng kanilang armas.

Binigyang-diin ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, na mahalaga ang pagtutulungan ng bawat sektor upang mapanatili ang kapayapaan. “Ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay malinaw na patunay ng tumitibay na tiwala ng mamamayan sa pamahalaan at kasundaluhan. Ito ay hakbang tungo sa isang ligtas at maunlad na komunidad,” ani ni Maj. Gen. Cagara.

Patuloy naman ang paninindigan ng militar na makipagtulungan sa mamamayan para sa kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa Mindanao.