Dalawang menor de edad ang nasawi matapos masangkot sa banggaan ng tricycle at Ford Everest sa Sitio Panang, Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, kahapon ng hapon, Setyembre 8.

Kinilala ang mga biktima na sina Benjie, 16 anyos, at Lang-lang, 17 anyos, kapwa taga-Barangay Kabengi.

Ayon sa ulat ng pulisya, tinatahak ng SUV na minamaneho ni Muarip, 38 anyos, residente ng Taguig City, ang rutang Cotabato City patungong Isulan, Sultan Kudarat. Samantala, mula naman sa bayan ng Datu Unsay at patungo ng Guindulungan ang tricycle nang mawalan ng kontrol dahil sa malakas na ulan.

Sa lakas ng banggaan, agad na nasawi ang dalawang sakay ng tricycle habang hindi naman nasaktan ang driver at mga pasahero ng SUV.

Agad kinuha ng mga kaanak ang bangkay ng mga biktima para sa agarang paglilibing alinsunod sa tradisyong Islam.

Nasa kustodiya na ng Datu Saudi Ampatuan PNP ang parehong sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.