Tiniyak ng Philippine Army sa publiko na nananatiling matatag at nagkakaisa ang organisasyon sa gitna ng mga ulat hinggil sa umano’y lumalalang pagkadismaya o “brewing discontent” sa hanay ng mga sundalo.
Ito ang naging pahayag ng Philippine Army matapos banggitin ni Senator Panfilo Lacson ang umano’y mga ulat ng pagkakagulo o hindi pagkakasundo sa loob ng hanay ng militar.
Ayon kay Lieutenant General Antonio G. Nafarrete, Commanding General ng Philippine Army, nananatiling prayoridad ng kanilang pamunuan ang kapakanan, moral, at kabuuang kalagayan ng kanilang mga tauhan.
Binigyang-diin ng opisyal na may umiiral na mga mekanismo upang tugunan ang mga pangangailangan at hinaing ng mga sundalo upang mapanatiling mataas ang kanilang morale at pagiging handa sa tungkulin.
Sinabi rin ni Nafarrete na sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan, maayos na pamumuno, at institutional support, nananatiling propesyonal at nakatuon sa kanilang misyon ang mga sundalo ng Philippine Army.
Kasabay nito, iginiit ng Army leadership na nananatiling non-partisan ang organisasyon at hindi makikialam sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa pulitika.
Dagdag pa ng Philippine Army, patuloy nilang pinaninindigan ang kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan ang mamamayang Pilipino at tiyakin ang seguridad ng bansa alinsunod sa demokratikong prinsipyo at rule of law.
Sa kabila ng mga isyung ibinabato sa organisasyon, tiniyak ng Philippine Army na nananatili silang mission-oriented, disiplinado, at nagkakaisa sa pagtupad ng kanilang mandato.

















