Batay sa pinakahuling monitoring, namataan ang sentro ng bagyo sa humigit-kumulang 440 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa pinakagitna, habang umaakyat naman sa 80 kilometro kada oras ang lakas ng bugso.

Kumikilos ang bagyo pa-kanluran at bahagyang pa-timog-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Saklaw ng malalakas na hangin ng bagyo ang lawak na tinatayang 300 kilometro mula sa sentro nito.

Itinaas sa Signal No. 2 ang mga sumusunod na lugar: Surigao del Norte kabilang ang Siargao at Bucas Grande Islands, Surigao del Sur, Boston sa Davao Oriental, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental, mga hilagang bayan ng Bukidnon gaya ng Impasug-Ong, Manolo Fortich, Malitbog, Sumilao, Libona, Baungon, Malaybalay City at Cabanglasan, pati na rin ang lalawigan ng Camiguin.

Samantala, nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Southern Eastern Samar, Southern Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Bohol, Cebu, Siquijor, Negros Oriental, Negros Occidental, Guimaras, Iloilo, Capiz, southern Aklan at central hanggang southern Antique sa Visayas.

Sa Mindanao, sakop ng Signal No. 1 ang Dinagat Islands, natitirang bahagi ng Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao City, iba pang lugar sa Bukidnon, Northern Cotabato, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Norte, Misamis Occidental, ilang lugar sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at hilagang bahagi ng Zamboanga Sibugay.