Nasabat ng Philippine Navy ang kabuuang ₱55,766,870 halaga ng mga hinihinalang iligal na sigarilyo sa magkakahiwalay na operasyon sa karagatan ng Sulu at Zamboanga City ngayong buwan ng Pebrero.
Pinakamalaki sa mga nakumpiska ang 600 master cases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na sakay ng M/V SARHANA, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱34,680,000. Naharang ito noong Pebrero 21, 2026 sa karagatan malapit sa Marungas Island. Batay sa paunang impormasyon, nagmula umano ang kargamento sa Jolo, Sulu at patungo sana sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Sa isa pang operasyon sa parehong araw, nasita rin ang MB FATIMAH DARSA o MB MADMAX-2 sa bahagi ng Little Sta. Cruz sa Zamboanga City. Dito ay nakumpiska ang 336 master cases at 45 reams ng sigarilyo na may kabuuang halagang ₱19,454,370.
Nauna rito, noong Pebrero 14, naharang din ng mga tauhan ng Navy ang M/B AAFIYA SHEZA sa karagatan ng Recodo, Zamboanga City. Lulan nito ang 25 master cases ng produktong tabako na “BOSQU” na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,532,500.
Dinala sa Naval Station Romulo Espaldon ang mga nasabat na sasakyang pandagat, tripulante, at kontrabando para sa kaukulang dokumentasyon at saka isinuko sa Bureau of Customs – Port of Zamboanga para sa tamang disposisyon.
Ayon sa Western Mindanao Naval Command, magpapatuloy ang kanilang pagpapatrolya at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang masawata ang ilegal na kalakalan at mapangalagaan ang kita ng gobyerno sa rehiyon.

















