Di na umabot pang buhay sa ospital ang isang lalaki matapos na barilin ito sa panulukan ng Diego Silang St. Barangay Osias, Kabacan Cotabato gabi ng linggo.

Kinilala ng Kabacan PNP ang biktimang si Bryan Gersalino y Pesigan, 39 anyos at residente sa nasabing bayan. Nabatid sa ulat ng pulisya na habang binabaybay ng biktima ang lugar sakay ng motorsiklo, pinara ito ng lalaking suspek at binaril ito ng kalibre 45 na baril batay sa mga basyo na nakuha sa pinangyarihan.

Nagtamo ito ng mga sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinamatay at umabot naman sa labing dalawa (12) na basyo ang nakuha sa pinangyarihan ng insidente. Hindi pa batid ng kapulisan ang motibo sa pamamaril.