Nagpahayag ng matinding dalamhati ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa biglaang pagpanaw ng isang 11-taong gulang na student-athlete mula sa Lamitan City habang isinasagawa ang BARMMAA Meet 2026 sa Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon sa opisyal na pahayag, kinilala ng ahensya ang insidente bilang bahagi ng itinakda ng tadhana. Inilarawan ang bata bilang isang masigasig na mag-aaral at atleta na may angking potensyal at dedikasyon, na sumasalamin sa husay ng kabataang Bangsamoro.
Agad namang kumilos ang MBHTE, sa pangunguna ni Minister Mohagher Iqbal, upang magpadala ng mga kinauukulang opisyal, medical teams, at event coordinators para tugunan ang insidente at magbigay ng suporta sa lugar.
Batay sa paunang ulat medikal, ang sanhi ng pagkamatay ay acute respiratory failure dulot ng aspiration. Gayunpaman, tiniyak ng MBHTE na magsasagawa ng masusing imbestigasyon katuwang ang mga awtoridad at health professionals upang lubos na maunawaan ang pangyayari.
Bilang tugon, pinaigting din ng ahensya ang presensya ng mga medical team, emergency response systems, at safety protocols sa lahat ng venue ng BARMMAA upang masiguro ang kaligtasan ng mga kalahok.
Nagpaabot ng pakikiramay ang MBHTE sa pamilya, mga kaibigan, kaklase, at buong komunidad ng paaralan ng nasawing bata. Nanawagan din sila sa publiko na magpakita ng pag-unawa, iwasan ang espekulasyon, at igalang ang pagdadalamhati ng pamilya.
Nanindigan ang MBHTE sa kanilang pangako na pangalagaan ang kapakanan, dignidad, at kaligtasan ng lahat ng mag-aaral na kalahok sa BARMMAA 2026.

















