Umalma si Member of Parliament at Bangsamoro Federalist Party stalwart na si Kitem Kadatuan Jr. laban sa naging pahayag ni Allanudin Sulaik Hasaan na tumawag umanong “weak-willed” o mahina ang loob sa ilang kumander na umanib sa Bangsamoro Federalist Party.
Ang naturang pahayag ay kaugnay ng mga base commanders, front commanders at ilang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front na iniulat na tumiwalag sa United Bangsamoro Justice Party at lumipat sa bagong tatag na partido.
Sa naging reaksyon ni Kadatuan, iginiit nito na nararapat bigyan ng respeto ang mga Mujahideen na aniya’y mahigit apat na dekada nang nakikibaka at nakikipaglaban para sa adhikaing kapayapaan sa rehiyon.
Dagdag pa ng mambabatas, mas matagal pa umano ang ginugol ng mga Mujahideen sa pakikibaka o Jihad kumpara sa edad ng abogado, at nagsimula na ang kanilang pakikibaka bago pa ito isinilang.
Ayon pa kay Kadatuan, ang ganitong karanasan ay patunay ng matibay na paninindigan o strong will ng mga Mujahideen na taliwas sa naging pahayag laban sa kanila.
Sa huli, binigyang-diin ng mambabatas na malaya ang bawat isa na magpahayag ng opinyon, subalit dapat aniyang iwasan ang pananalitang nakapipinsala sa dignidad at respeto ng kapwa.

















