Nasabat ng Naval Command Western Mindanao ang mahigit P194.6 milyong pisong halaga ng puslit na sigarilyo at mga sasakyang-dagat sa dalawang magkahiwalay na operasyon kontra smuggling sa karagatan ng Sulu.

Pinakahuli rito ang operasyon noong Agosto 14 malapit sa Buton Mahablo, Parang, Jolo, Sulu, kung saan hinarang ng mga tauhan ng Naval Task Force 61 ang isang watercraft na may kargang undocumented na mga sigarilyong banyaga.

Tinatayang P170 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo, habang nasa P1.5 milyon naman ang halaga ng mismong sasakyang-dagat.

Arestado rin sa operasyon ang limang crew members at 19 na laborers.

Isinuko sa Bureau of Customs–Port of Zamboanga ang mga nakumpiskang sigarilyo at sasakyang-dagat para sa kaukulang disposisyon at legal na aksyon.

Nauna rito, noong Hulyo 29, nasabat din ng NCWM ang mga puslit na sigarilyo at isang motorized banca sa karagatan malapit sa Simisa Island, Sulu, na nagkakahalaga ng tinatayang P23 milyon.

Sa magkakasunod na operasyon, ipinagpapatuloy ng NCWM ang maritime patrol at pakikipag-ugnayan sa mga law enforcement agency upang pigilan ang paggamit sa karagatan ng Western Mindanao sa mga ilegal na aktibidad.