Nanawagan si Presidential Peace Adviser Sec. Mel Senen Sarmiento ng pagkakaisa at tuluyang pagwawakas ng internal armed conflict sa kanyang pagbisita sa Taraka, Lanao del Sur para sa joint ceremonial turnover ng mga isinukong small arms and light weapons (SALW).
Sa isinagawang turnover, kabuuang 102 baril mula sa mga bayan ng Tamparan, Lumba Bayabao, Mulondo at Taraka ang boluntaryong isinuko bilang bahagi ng pagpapatibay ng kapayapaan at seguridad sa lalawigan.
Ayon kay Sarmiento, mahalaga ang pagkakaisa ng komunidad at suporta ng iba’t ibang sektor upang matuldukan ang matagal nang armadong alitan at mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Ang SALW Program ay kabilang sa mahahalagang security components ng Annex on Normalization sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB. Layunin nitong mabawasan ang pagkalat ng mga armas at palakasin ang normalisasyon sa mga komunidad na naapektuhan ng sigalot.
Pinagtutulungan ang implementasyon ng programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Lanao del Sur, pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, lokal na pamahalaan ng Taraka, mga puwersa ng Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police.

















