Muling umani ng atensyon online ang isang lumang video noong 2018 ng aktor at ngayo’y senador na si Robinhood Padilla matapos itong balikan ng mga netizen kasabay ng usapin ng pagdepensa nito kay Sen. Ronald dela Rosa.
Sa nasabing video, mariing pinuna ni Padilla si dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, kung saan nanawagan siya na sumuko ito sa mga awtoridad matapos ipawalang-bisa ng noo’y administrasyong Duterte ang amnestiya nito.
Sa parehong clip, tinawag din ni Padilla ang Senado bilang “Senate Hotel of the Philippines” at binanggit ang isyu ng umano’y pagtatago sa loob ng mataas na kapulungan.
Muling lumutang ang naturang video matapos ang naging insidente kung saan si Dela Rosa ay naiulat na humingi ng proteksyon sa loob ng Senado kasunod ng umano’y pagtatangka ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsilbi ng International Criminal Court (ICC) arrest warrant laban sa kanya.
Kalaunan, nanatili si Dela Rosa sa ilalim ng protective custody ng Senado matapos aprubahan ang mosyon na bigyan siya ng proteksyon habang hinihintay ang legal na proseso kaugnay ng naturang kaso.
Sa mga nakalipas na pagdinig at talakayan sa Senado, ipinagtanggol din ni Padilla si Dela Rosa kaugnay ng isyu ng ICC warrant at ang mga aksyon ng mga awtoridad sa loob ng Senate compound.
Nauna nang kinumpirma ng International Criminal Court ang pagiging balido ng warrant laban kay Dela Rosa na may kaugnayan sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

















